Wednesday, July 8, 2009

Sa Dulo

June 27, 2009

Sa dulo ng linya, may batang anino
Sa dulo ng daan, may palikong kanto
Sa dulo ng salita, matamis ang dala
Sa dulo ng eksena, pagsisi ang bunga

Sa dulo ng kamera, pikseladong anyo
Sa dulo ng lapis, lungkot at alimpuyo
Sa dulo ng papel, puno ang sakripisyo
Sa dulo ng kama, sarap ang sumainyo

Sa dulo ng sayaw, pawis at pagod
Sa dulo ng trabaho, pahinga ang hahagod
Sa dulo ng pagkain, dighay at antok
Sa dulo ng halik, tamis ang papatok

Sa dulo ng daliri, respeto
Sa dulo ng literatura, isang anyo
Sa dulo ng pelikula, isang takot
Sa dulo ng pag-asa, isang bangungot

Sa dulo ng araw, isang paglubog
Sa dulo ng tala, likod na bulabog
Sa dulo ng titik, salitang mabubuo
Sa dulo ng kampana, pagsasabuo

Sa dulo ng pag-alpas, isang pagaspas
Sa dulo ng hangin, lumilipad na palaspas
Sa dulo ng ilog, kartong umaagos
Sa dulo ng bagyo, hinagpis ang bubuhos

Sa dulo ng taon, pagsisisi
Sa dulo ng panahon, muling pagsisisi
Sa dulo ng ulap, langay-langayan
Sa dulo ng bahaghari, gintong yaman

Sa dulo ng piso, walang mapapala
Sa dulo ng lima, kulang pa ang pantoma
Sa dulo ng hirap, nakaabang ang grasya
Sa dulo ng grasya, doon ang demokrasya

Sa dulo ng pulitika, nakatira ang anay
Sa dulo ng pag-aaral, pasasalamat kay inay
Sa dulo ng medalya, utang ang lahat
Sa dulo ng lahat, ganti ay ugaling tapat

Sa dulo ng Pinas, sa itaas ay payapa
Sa dulo ng Mindanao, saan ang payapa ?
Sa dulo ng eleksyon, anong hahantong ?
Sa dulo ng termino, sino’ng magsusumbong ?

Sa dulo ng unlimited, isang pamamalaam
Sa dulo ng tawag, muling pag-aasam
Sa dulo ng lrt, isang Katipunan
Sa dulo ng isa, isa pang kabayanihan

Sa dulo ng Maynila, isang baybayin
Sa dulo ng buhay, ika’y hihintayin
Sa dulo ng hininga, aking babanggitin
Sa dulo ng pangarap, ikaw y tanging akin

Sa dulo ng pisara, isang propesor
Sa dulo ng tisa, estudyanteng alaskador
Sa dulo ng kwarto, tahimik si Pedro
Sa kabilang ulo, si Juan ay tuliro

Sa dulo ng baril, may handang bumuwis
Sa dulo ng pagputok, tatakbo’t babagwis
Sa dulo ng kuryente, barya’y ubos
Sa dulo ng gripo, resibo ang tutustos

Sa dulo ng siyam, isang sanggol
Sa dulo ng tsupon, tigil ang pag-ungol
Sa dulo ng simbahan, doon magtatagpo
Sa dulo ng Luneta, doon ang gapo

Sa dulo ng Cubao, terminal
Sa dulo ng Muntinlupa, isang kriminal
Sa dulo ng Mandaluyong, isang mental
Sa dulo ng MalacaƱang, isang animal

Sa dulo ng Cha-Cha, panalangin at dasal
Sa dulo ng Mendiola, katarungan ang almusal
Sa dulo ng Morayta, tigil ang pasada
Sa dulo ng Rotonda, hiling ay pag-asa

Sa dulo ng Baclaran, may bagong MOA
Sa dulo ng Pasay, nag-iisang NAIA
Sa dulo ng Divisoria, isang Pier
Sa dulo ng immpyerno, nandon si Lucifer

Sa dulo ng kampanya, saan ka gaganti ?
Sa dulo ng panalo, palad ay nangangati
Sa dulo ng talo, isang pandaraya
Sa dulo ng pandaraya, isang nagsasaya

Sa dulo ng Bulacan, isang Republika
Sa dulo ng Tondo, isang kahirapang sana’y replika
Sa dulo ng Pasig, silakbo’t pagbabago
Sa dulo ng Ako Mismo, mithii’y walang gago

Sa dulo ko, isang panulat
Sa dulo mo, isang pagkamulat
Sa dulo natin, isang pagbubuklat
Sa dulo ng mundo, isang pagbabalikat

No comments:

Post a Comment