Tuesday, August 4, 2009

PAALAM TITA CORY, aking ina, atin.

Intramuros

July 3, 2009


Kay’lan lulundag ang ‘yong anino sa puso
Ng Intramuros na saksi at orakulo
Ng aking hiling at mithiin
Na sa pusod ng Intramuros, ika’y mapasa’kin

Saan lilingon sa lawak ng makasariling mundo
Kung ang layo ng mga hangganang bato
Silbing harang na animo’y pananggalang
Matanaw pa kaya ako ng aking ginagalang

Tsokolateng bato’y bakal ang loob
Noo’y harang sa nais lumusob
Buksan mo Intramuros ang iyong puwerta
Bakas ng paa’y hinihintay ni Makata

Gilid ng patungan ng Kanyon
Sandigan ng tula, sanaysay na umaalon
At nagtatampisaw sa paraisong bakuran
Sang ayon sa kasaysayan, isang tubigan

Doon ko winakasan ang lahat ng kataga
Ng talinhaga at lalim ng mga salitang mahiwaga
Na nagpausog sa iyo’t sa iyong Oo
Na nagpalaglag sa iyo sa masalimuot na mundo

Sa Solana’t Ada unang umulan
Patak nito’y tagos sa tadyang na lumalaban
Sa lamig at ginaw kasabay ng pawis
Ano’t para san pa kung hindi ka ibubuwis

Kasabwat pa ang kalesa’t bata ng nobela
Basilio ang ngalan san na nag-eeskwela
Malipol ang pagpugay at luhod ang sukli
Sa tulong na romantiko at rosas na puti

Taas ng gusali anong sinasabat
Sumuko na’t kalaban ang lambat
Ng ama’t inang ginto ang pananggalang
Sagot ko nama’y sami’y walang hahadlang

Ngunit ilang minuto na
Saan na ang dilag, aking perlas at korona
Habang buhay at habambuhay
Ako’y tatayo hanggang mahimlay

Masulyapan man lang ang matang umaalpas
Sa gitna ng buwan doon ako aangkas
Bakit pinatagal ng gan’to at hindi sadyang sanay
Darating pa ba para sa pagmamahalang tunay

Sa magkabila ay Letran at Pamantasan
Sumuplong sa langit sa gitna ng pulisan
Di alipin, hiling ay kawas
Patawad Magdalena, ligaya ang sa kanila’y wakas

Umiyak ang langit ilang minuto
Pagkatapos ng pagkakagapos sa posas na insulto
Tuwid na bakal, pumagitna sa mundo ng labas at loob
Kapwa mundong pinaglaruan ang pala ang lahat ng sinukob

Lagkit ng dugo ang sa aki’y sumapit
Daga’t lamok, ultimo lumalapit
Sa dulo’y tuloy pa rin ang kapit
Pag-ibig na tunay ‘wag sanang mawaglit