Thursday, May 28, 2009

Friday, May 8, 2009

Si Jamal sa Bayan ni Juan




Ni: Jerome P. Lucas

Hindi sa India nakatira si Jamal; matagal na siyang nasa Pilipinas. Hindi matangos ang ilong. Katamtaman ang tangkad. At kayumanggi. Iba sa nakita ko sa pelikula. Kailan ko lang siya nahanap. Nag-aabang ng bagong game.

Bago pa man humakot ng awards and de-kalibreng pelikula ni Jamal, kilala ko na ang Who Wants to be a Millionaire. Si Christopher de Leon ang naghost nun. Tandang-tanda ko pa. Grade 5 yata ako nang magsimula akong maadik sa mga makalaglag-utak na palabas. Nakakasagot na kahit papaano. Mahilig kasi ako sa mga trivia, lalo na pagdating sa kasaysayan. Wirdo na kung wirdo. Pagkatapos ko kasing isambulat yung mga triviang pinakatagu-tago ko, madalas ito ang natatanggap ko: “Ano naman?!” o di kaya’y “Yun na yun?!” o kaya nama’y “Ahh ok!” Hindi nila alam, matagal kong inimbak at binuro yung mga ideyang yun sa utak ko.

Hindi si Magellan ang unang nakalibot sa mundo. Hindi rin si Armstrong ang naunang nakarating sa buwan. Si Jamal… hindi rin.

Sample? Orihinal na nagbukas ang Who Wants to be a Millionaire sa United Kingdom, isang milyong pound ang panimulang premyo. Nagbago nang nagkaroon ng artistang sari-saring bersyon sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang host? Si Chris Tarrant, malapit sa pangalan ni Christopher. Cash Mountain ang unang working title nito nang pormal na napanood sa U.K. noong Setyembre 4, 1998. Malayo na para maging totoong Jamal, di ba? Mahigit isang daan na bansa na ang nagfranchise nito, kabilang ang Pilipinas.

Noong Abril 2003, ang Briton na si Charles Ingram, ang kanyang asawang si Diana at ang kanyang guro sa kolehiyo na si Tecwen Whittock ay naakusahan ng pandaraya matapos manalo ni Ingram ng one million pound. Sinong makapagsasabing isang bumbay si Jamal? Sa elimination round, ginamit ni Whittock ang pag-ubo upang maituro ang tamang sagot kay Ingram. Nanalo si Ingram hanggang sa huli ngunit ang miyembro ng production crew ay may suspetsa na sa pagkapanalo nito. Sa tulong ng pulisya, inimbistigahan ang pangyayari samantalang ang episode ay hindi ipinapalabas habang hindi pa tapos ang pagsusuri. Sa huli, naakusahang guilty ang tatlo. Hindi rin si Jamal ang nauna.

Pruweba? Si John Carpenter ang kauna-unahang nanalo ng milyon hindi lang sa Estados Unidos kundi sa buong mundo. At heto pa, hanggang sa dumating lang ang huling katanungan, doon lang siya gumamit ng lifeline niya. Tinawagan niya ang kanyang pamilya. Nandaya ba siya? Siya lang ang nakakaalam. Sa kasaysayan, siya rin ang kauna-unahang na-boo ng mga audience sa mismong palabas. Ito ay nang sinagot niya ang pinakaunang tanong: What do you do for a living?

Kung hindi ba nasunog ang original studio ng Who Wants to be a Millionaire sa IBC 13, tatatak ba ako sa mata ng tao?

Tatlong taon lang umere sa Philippine television ang kilalang game show. Taong 2000 hanggang 2002. Wala pa ‘kong tsansa nun. Wala pa sa legal age. Malas. Babalik pa ba yun?

Gabi-gabi. Noong elementary days ko, hindi ko pwedeng makaligtaan ang one-on-one tanungan ng premyadong actor at ng isang ordinaryong Pilipino. Pang-matalino talaga! Pero kung namental block ka, di mo na maalala ang nabasa mo sa bookstore, narinig sa kung kanino, at napanood sa telebisyon, pwede kang sumaklolo. Dagdag thrill un! Natatawa ako kapag naiiiba yung sagot ko sa sagot ng sinaklolohan pati ng mismong contestant. Tama ba ako o mali? Huwego! Minsan eh napapatumpik pa ang kamay ko kapag alam kong tumpak talaga ako. Gusto kong pindutin yung tv screen nang umilaw na ang letra ng tamang sagot at nang magkamilyon na. Walang kibo kapag mali pala. Pero hindi ako nagsasawang magkamali, di pa naman yun ang game ng buhay ko.

Madalas ding mapabilib ang inay at ate ko sa akin nun. Nasa barko pa noon si itay. Lagi kasi akong nakakasagot nang tama sa mga tanong ni Christopher. Hindi ko na maalala kung magkasunod pa yung game show nila ni Edu Manzano, yung Weakest Link. Dapat mabilis ka run pero ako, nakakahabol. Parang ang buong katawan mo, eh isip. Isipin mo yun, ilang segundo lang ang ibibigay sa’yo para makasagot. Dahil yata sa mga ganung palabas kaya ako tumalino. Bukod kasi sa natural akong mahilig sa trivia, natatasahan ang utak ko sa tuwing nanunood ng mga game shows. Natatahian din marahil dahil ang mga kaalamang hindi ko mabasa nang madalian sa mga bookstore eh dun sa tv ko nalalaman.

Sino bang ayaw ng daang libo? O ng angaw? O ng isang libong angaw? Walumpung milyon ang nag-aabang.

Marso. Hindi ko matandaan kung anong petsa basta Marso yun. Umabot sa mahigit dalawang daang milyong piso ang jackpot sa lotto 6/49. Mapapamura ka sa premyo. Putek! Inaya ko ang mga kabarkada kong Iskolar ng Bayan para tumaya. Mga walang pera. Financial crisis kasi kami dahil sa walang kamatayang development communication campaign. Kapit-patalim tuloy kami sa lotto. Maganda yung combination na nabuo mula sa ambagan ng napupusuang numero. Anim kami. Sakto. 3-15-16-21-43-47. Nakanang dib a? Walang lamangan. Nakaabang sa kanya-kanyang bahay kinagabihan. Ako ang may hawak ng ticket. Paglabas ng mga bola! Nakang din! Mapapamura ka! Putsa na! Wala kahit isa! Oo! Nakanang! Nakakatawa.

Maganda yung combination naming pero mas maganda yata yung sa nanalong taga-Luzon. Si Jamal nasa Pinas na nga. Nakanangtut!

Malaki ang partisipasyon ng telebisyon sa pagdami ng Jamal lalo’t apektado ang bulsa ng mga tao dahil sa mala-atomic bomb na krisis pangpinansyal. Una, sa pamamagitan ng pagbobroadcast ng lotto fever, mas lumawak lalo ang interes ng nakararami rito. Pangalawa, ang paglalarawan ng media sa phenomenon ang nagtutulak sa mga tao na tumaya. Maging ako, natapik! At pangatlo, dahil sa mga drama at iba pang true-to-life stories of success na ipinalalabas sat v, nakakarelate ang sambayanan. Kaya’t ang realismong ideyang may Jamal ay nagging surrealismo. Si Juan nagkatawang tao. At nanganak nang nanganak nang nanganak. . .

Ask the audience. Lahat sila makikisagot. Makikiramay sa pagpili ng pinakatumpak na sagot sa apat na letra. Kalahi rin nila si Jamal. Sino bang ayaw mabiyayaan? Kahit balato lang.

Sa Lacson underpass sa Quiapo, Maynila. O di kaya sa Altura outlet. Pwede ring sa Vicente Cruz. Doon madalas tumaya ang nanay ko. Hindi bisyo. Kapag may panahon at sobrang barya lang. Ang mga numero? Mga kaarawan naming. Lima kami sa pamilya. Ang isa, namaalam na pero bilang paggunita, parte pa rin siya ng lucky numbers ni Inay. Gaya ng iba, may inaalagaang mga numero rin ang inay. Madalas, bawi lang. Pero wag kayo. Nanalo na siya ng bente mil. Oo! Nakanang! High school pa ako non. Wala pang krisis kaya feeling jackpot winner ang eksena. Nanalo rin siya ngayong unang quarter ng taon. Di ko matandaan yung petsa. P500. Wala lang. Dumaplis lang sa pilik-mata. Pero marami pang pagkakataon. Hindi lang naman kasi si Ina yang Jamal sa pamilya.

Wala na yung matabang maliit na may salamin. May uban at medyo may katandaan na. Dumadaan siya sa tindahan naming dati. Tiga-kolekta siya ng mga gusting tumaya sa loteng. Kamag-anak ng lotto. Anak ba. Di hamak nga lang na mas malaki ang tsansa mong manalo. Pano ba naman, labindalawa sa halip na anim ang pwedeng piliin. Sa maliit na papel, kasinlaki ng ticket ng bus, bibilugan mo ang mga numero. Nakabase sa pambansang lotto yung kombinasyong mananalo. Ibig sabihin, kung 6/42 sa lotto, ganon din sa loteng. Yun nga lang, mas mababa ang premyo. May nakatakdang premyo sa kung ilang number ang nakuha mo. Malas kung nakuha mo lahat pero sa loteng ka umasa. Si tatay ang hanap ng lalaking yon. Di in naman madalas. Kapag sinumpong lang, di naman kasi araw-araw sumasaglit sa amin yun. Halo-halong numero ang taya ni itay. May mga sign sa likod ng bawat bibilugan. Parang si Jamal.

Call a friend. Sa loob ng tatlumpung segundo, magbabago ang buhay mo. Isang tawag lang.

Kasabay ng pagkuha ng passport ko. Oo! Di ko yun malilimutan. Ala-una ko dapat kukunin sa DFA sa Pasay yun. Pero nang mga oras nay un, nasa bahay pa lang ako. Wowowee ang tutok. Nandoon kabarkada ko. Bago ang araw na iyon, tinext siya ng nanay niya. MassCom Beauties daw yung kailangan para sa kinabukasang episode ng segment na Willie of Fortune. Wala na siyang pinalampas pa. Di pa nga siya pinayagan ng prof namin sa Psyche eh pero gumawa talaga siya ng paraan. Anong silbi ng excuse letter? Dalawa sila. Siya lang ang pinalad. Walang dalang registration card ang isa kong kaklase. Patunay kasi yun na nakaenroll siya sa kasalukuyang semester. Napasama siya sa anim na sinalang contestants. At swerte. Nanalo siya hanggang sa huli. Hindi nga lang gaya ng napanalunan ng slumdog millionaire.

50-50. Dalawa na lang ang pamimilian. Mamimikila ka ng isa. Back to zero? O isang milyonaryo? Aba malay.

Tuwing Linggo, madalas wala ang itay. Umaga hanggang hapon. Nasa sabungan. Naglevel-down na nga eh. Dati kasi, kaya niyang pagsabayin ang sabong at karera. Lahat na yata ng genes ni Jamal eh nasa kanya na. Pinagkaiba lang, mas madalas siyang bigo. Milyon na yata ang talo. Kapag panalo ang manok niya, may maiuuwi siyang ulam para sa hapunan at para sa susunod na mga bukas. Binabalatuhan niya rin kaming mga magkakapatid. Ang natalong manaok, bitbit din niya. Si Inay, jackpot din. Kapag talo. . . wala. Anak ng!

Fanatiko rin ang ama ko ng mga mabibilis na nilalang sa San Lazaro. Iyan ang dahilan kung bakit pinipilit niyang magkaroon kami ng cable connection. At dahil maliit lang an gaming bahay, kung nasa sala ka eh maririndi ka sa taga-anunsyo sa karera. Halos araw-araw yon, noon. Pero hindi riyan nagtatapos ang lahat, ang “sa pula, sa puti” este ang “meron o wala” ay napapanood na rin niya sa tv. Hindi ako natutuwa pero pipi na lang ako. Ito ay dahil alam ko na kahit anong gawin ko eh mahirap mamh tanggalin ang bisyo ng itay hangga’t may hinahawakan siyang pera. Aminado rin ako na nakinabang din ako sa gawaing iyon ng aking ama. Sobra!

Kaya ba may Deal or No deal, Survivor, Pinoy Big Brother, Taktak mo, at Pera o Bayong? Dahil ditto isinilang ang mga kamag-anak ni Jamal? Isa lang naman ang trono.

Yung lolo ng kaklase ko, nanalo sa lotto nung kapanahunan niya. Bumili ng malaking lote sa Sta. Mesa, malapit sa G. Tuazon, sa Mindanao Street. Pati ng lupang libingan sa La Loma at sa probinsya. Ngayon, ilang kamag-anak na niya ang nakikinabang ditto. Pero si Lolo Jamal, hindi ko alam kung anong reaksyon sa mga nangyayari. Kasabay kasi ng panunuluyan ng kanyang mga anak at asawa sa mga tinubuang lupa ay ang paninirahan ng alitan sa gitna ng magkabilang dugo ng dalawang pamilyang naulila niya.

Is that your final answer? Lock it in? Iisa lang ang sagot. Oo.

Tatlo na kaming magkakapatid ngayong taon sa kolehiyo: ako, Mass Communication; ang ate ko Accountancy; at ang bunso namin, Nutrition and Dietetics. Malaking tulong ang pagpasa naming sa entrance exam ng pinapasukan namin. Pinag-igihan namin na parang pila ng audition ng game show ng kapalaran. Kung hindi kasi kami nakapasa dun eh malamang hindi namin tuluyang masusustentuhan ang edukasyon naming. Aba, kahit state university lang kami, de kalidad naman ang natututunan naming. Iskolar ng bayan ba. Ngunit kakabit nito ay ang susunod na audition. Pagkatapos kasi ng trabaho, elisita ang makakasama sa pag-apply ng trabaho. Lamang sila pagdating sa malaking pangalan ng kanilang paaralan pero pareho rin kaming naghirap at nag-aral. Parang si Jamal, alam niyang hindi siya nandaya pero dahil mahirap siya, maraming nakatitig sa kanya. Totoong hindi nalalayo ang istorya ng gaya ko sa istorya ni Jamal.

Kaya’t nung March 29, nung ikalabing walong taong kaarawan ko, nagsimula muling mabuhay ang kapirasong Jamal sa gulugod. Akala ko pwede ma kong sumali sa kilalang game show pero bigo ako nang maalalang hindi pa pala ako pwedeng sumali para rito. Isang taon pa, tandang-tanda kong pagkakasabi sa akin ng kaibigan ko. Hinanap ko yung logic, yung malalim na dahilan pero wala akong naisip. Hayaan na nga. Makakapaghintay pa naman ang panahon.

Pero dahil malakas ang tama ng dugo ko sa mga game show, napagdesisyonan kong ready na ko. Sasabak na sa mga contest na gaya ng iba, naniniwalang “sagot sa kahirapan”, “abot pa ang pangarap”. Ayoko nga lang sa mga artista search. Bukod kasi sa mas maraming kalaban, hindi yun yung nakikinita kong larawan ng kinabukasan ko. Naalala ko tuloy yung mga kapitbahay naming na aliw na aliw sa pangarap nilang Makita sat v, yung maging gaya nila Kim at Gerald, pati nila Mark at Jennelyn. Ngunit madalas, umuuwi silang pagod at talunan. Meron naming isa, kaedad ng ate ko, isang modelo na: sa mga magazine at broadsheet. Nakakagilas talaga. Minemake-over siya tapos ipapakita sa pamamagitan ng litrato ang before at after na parang walang pinagbago, parehong maganda. Siguro nasa marangyang lugar na si Leah, sila ng kanyang pamilya. Noon kasi, alam ko kung gaano kahirap ang sitwasyon nila; nilalakad nilang magkakapatid ang kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard tapos liliko sa kanto ng Altura Street, gigilid sa kanan ng Buenos Aires, doon sila nag-aaral noon, sa Antonio A. Maceda Integrated School sa tabi ng Burgos Elementary School. Kung sa Maynila, malayo na ang distansyang nilalakad nila para lang makapasok. Para sa isang batang probinsyano, madali na lang yun. Nakikita kong engganyo sila sa oras ng paglalaro. Magkalabang koponan kami lagi noon, parehas kaming patotot. Iba na ang nilalaro niya ngayon: ang komersyalismo ng mga bigating industriya ng pamamahayag.

Hindi na rin masama, hindi naman kasi napag-iwanan ang ate ko. Graduating na siya hindi gaya ng mga kaedaran niya. Isang taon na lang magmamartsa na siya ngunit tila mauunahan ko pa siyang magtrabaho dahil sa isang taon pa riyang magsusunog ng kilay para sa CPA board exam niya. Ang bunso kong kapatid, sa akin na rin ibinilin nang maaga ni inay. Bukod sa magastod ang kanyang kurso, ako raw ang mauunang sasabak sa trabaho. Kakabit din nito ang palagian kong pag-alala sa mga pinsang buo ko sa Cavite na pinangakuan ko sa sarili ko na tutulungan ko. Sisikapin ko. Sayang kasi ang talent at talas ng utak ng mga batang yon kung maisasantabi lang sila. Yaman din yun.

Sa nobela nagsimula ang konsepto ng Slumdog Millionaire, sa nobela rin kaya maiuugnay ang game ko?

Tatlong beses ko nang napanood ang Slumdog Millionaire pero ang totoo hindi lang iisa ang katauhan ni Jamal: may ama, anak, ina, kapatid, lolo, kapitbahay, katropa, kababata at kung anu-ano pang. At habang malalim kong pinagmamasdan ang katauhan ng mga tao sa paligid ko, nakikita ko sa kanila si Jamal. Puno ng pangarap. Liban dito, napagtanto ko ring hindi lang ako ang umaangkin sa istorya ng kapalaran ni Jamal. Marami. Naglipana talaga. Lalo na dito, sa bayan ni Juan.

PS: Takte. Akala ko hindi na babalik yung game show na yun. Kamakailan lang nakita ko sa pahayagan ang balitang ibabalik daw sa telebisyon ang Who Wants to be a Millionaire. Ginanahan ako kahit marami akong dapat asikasuhin higit dun. Pero mag-aaudition pa rin ako. Walang makakapigil.